Pinulong ng National Privacy Commission (NPC) ang pamunuan ang Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) upang pag-usapan ang naganap na cyber attack sa sistema ng ahensiya.
Sa pahayag ng NPC, sinabi nitong gusto nitong makatanggap mula sa PhilHealth ng komprehensibong impormasyon hinggil sa katangian at lawak ng “data breach” kaugnay ng nangyaring hacking ng mga sindikato sa website ng state insurer.
Inaasahan ng NPC na makapagsusumite ang PhilHealth ng ulat hinggil sa insidente hanggang bukas, Setyembre 27.
Ayon pa sa NPC, dapat na lamanin ng naturang report ang detalye hinggil sa nakompromisong personal na datos ng mga miyembro ng PhilHealth at maging ang ginawang containment measures nito para maprotektahan ang database ng ahensiya.
“These actions have been initiated to evaluate the impact of the alleged data breach and to assess the mitigation efforts undertaken by PhilHealth, with a primary focus on protecting the interests of the affected beneficiaries and contributors,” ayon sa NPC.
Nauna na ring ibinunyag ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na humihingi ang mga hackers ng US$300,000 o katumbas ng ₱17,082,900.00 ang mga hackers para sa datos na nakulimbat ng mga ito mula sa PhilHealth.