Nagbanta si Senator Joseph Victor “JV” Ejercito na babawiin ang pirma nito sa inilabas na report ng Senate Committee on Ways and Means laban sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa kung mamadaliin ang pagpapalayas sa mga ito.
Ani Ejercito, hindi siya pabor sa tatlong buwang taning na ibinigay ng kapwa niya senador sa pagpapatalsik at pagbabawal sa POGO sa Pilipinas.
“I made it clear before to Sen. [Sherwin] Gatchalian that I am not in favor of abruptly ending POGO in three months,” ani Ejercito sa isang pahayag sa media. Si Gatchalian ang chairman ng Ways and Means Committee ng Senado.
Aniya, maaaring magkaroon ng negatibong impresyon ang gagawing ura-uradang pagpapatalsik sa POGO sa bansa sa foreign investors at business community sa kabuuan.
“Ginawa nyong legal, tapos babawiin… So hindi magandang tingnan, especially to the international community… Let us also give time for businesses, for employment that are related to POGO, to find the alternatives. Dapat paghandaan. Hindi yung bigla basta-basta,” bigay-diin ni Ejercito.