Pinatunayan ng walong Taguigueño na senior citizens na hindi hadlang ang kanilang edad sa pagkamit ng tamang edukasyon, matapos matanggap ang kanilang diploma sa elementary at high school noong Linggo, Setyembre 10.
Ginanap ang kanilang graduation ceremony sa Taguig City University Auditorium.
Kabilang sa nagtapos ay sina Cesar Londonio, 63-anyos, isang construction worker na tumanggap ng certificate of completion para sa junior high school sa ilalim ng Alternative Learning System (ALS).
Dahil panganay sa magkakapatid, aminado si Liza Cruz, 70-anyos, na hindi raw niya nabigyang importansya ang pag-aaral noon at ipinaubaya sa nakababatang mga kapatid ang makatapos ng pag-aaral dahil din sa kakulangan ng pondo.
Tumanggap sina “Lola Liza” at “Lolo Cesar” ng pagkilala at karangalan sa naturang unibersidad.
Natapos nina Lola Shiarima Talusan at Lola Rosalinda Barbolino ang kanilang elementarya samantalang junior high school naman ang kina Lola Marianita Cea, Lola Luvisminda Fajardo, Lola Ritchi Siscar at Lola Maria Luzviminda Selda.
Ayon kay Taguig Mayor Lani Cayetano, ipinagmamalaki ng pamahalaang lungsod ang ganitong adhikain para sa mga mamamayan at hinikayat nito ang iba pang senior citizen na muling ipagpatuloy ang pagaaral upang madagdagan ang kaalaman at karunungan.
Ulat ni Joseph Javier