Nagbitaw ng payo si Senate President Francis “Chiz” Escudero sa bagong halal na 12 senators tungkol sa ikinakasang impeachment trial kay Vice President Sara Duterte na inaasahang magsisimula sa pagbubukas ng 20th Congress sa Hulyo ng kasalukuyang taon.

“Ipapanukala ko na kung mayroon mang pagbabago sa rules, ito ay mag-a-apply to future impeachment cases and not this one,” aniya.

“Ang direksiyon na personal kong tinatahak sa ngayon ay i-suggest sa impeachment court na huwag nang baguhin ‘yun rules dahil baka maakusahan pa ang Senado na we are changing the rules of the game to favor one side or the other,” giit ni Escudero sa ginanap na press conference ngayong Huwebes, Mayo 15.

“So puwedeng talakayin ‘yung rules. Puwedeng talakayin ang aming napag-usapan pero prospectively applicable siya sa mga darating pang impeachment and complaints na tatalakayin pa sa Senado,” dagdag ni Chiz.

Umapela rin ang lider ng Senado sa mga newly-elected senators na huwag munang magbigay ng kani-kanilang opinyon sa impeachment laban kay VP Sara na may kinalaman sa kuwestiyunableng paggastos ng P612.5 milyong confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) na dati niyang hinawakan.