Naglabas na ng warrant of arrest ang Angeles City Regional Trial Court (RTC) laban kay dating presidential spokesperson Atty. Harry Roque at 49 iba pa na isinangkot sa Lucky South 99, isang pinaghihinalaang Philippine offshore gaming operator (POGO) hub na sinalakay ng mga awtoridad sa Porac, Pampanga noong nakaraang taon.
Bukod kay Roque, kabilang sa mga ipinaaaresto ni Angeles City RTC Branch 118 Judge Rene Reyes ay si Cassandra Li Ong na itinuturong isa sa mga may-ari ng Lucky South 99 na sinalakay ng mga tauhan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) dahil sa pagkakasangkot diumano sa human trafficking activities.
Ito ay matapos makitaan ng korte ng probable cause upang ipursige ang kasong expanded human trafficking laban sa mga akusado.
Si Ong, kasama si Alice Guo na sinasabing isang “Chinese spy,” ay naaresto sa Batam, Riau Islands, Indonesia noong Agosto 20, 2024 matapos tumakas sa Pilipinas sa kasagsagan ng imbestigasyon ng Kongreso sa illegal POGO activities.
Matatandaan na 186 na Pinoy at foreign workers ang nasagip ng mga awtoridad sa Lucky South 99 complex kung saan naganap ang pag-torture sa ilan sa mga ito na tumangging makibahagi sa mga scamming operations.
Ayon sa ulat ng PAOCC, ilan din sa mga kababaihan na na-rescue sa pasilidad ay ibinenta sa mga kliyente ng Lucky South 99 para sa s@xual activities.
Samantala, ipinag-utos din ni Judge Reyes na pag-isahin ang 11 kaso na inihain laban sa 50 akusado base sa isang motion for consolidation na isinumite ng prosekusyon sa korte.