Naglabas ng pahayag si dating presidential spokesperson Atty. Harry Roque nitong Biyernes, Mayo 16, matapos maglabas ng warrant of arrest ang Angeles City Regional Trial Court (RTC) laban kay Roque at 49 iba pa na isinangkot sa Lucky South 99, isang pinaghihinalaang Philippine offshore gaming operator (POGO) hub na sinalakay ng mga awtoridad sa Porac, Pampanga noong nakaraang taon.
“Wala po akong kahit sinong ni-recruit at wala pong kahit anong ebidensyang sabwatan at ang tanging dinidiin nila ay ang aking pagiging abogado… Wala po tayong tinatakasan… Hindi po sila magtatagumpay na ako po ay i-extradite pabalik ng Pilipinas,” sabi ni Roque.
Iginiit ni Roque noong Marso na hindi na umano siya maaaring pabalikin sa Pilipinas dahil sa prinsipyo ng “non-refoulement,” isang karapatang kaakibat ng kanyang asylum application sa Netherlands.
Binigyang-diin ni Roque na hindi siya maaaring pilitin ng gobyerno na bumalik sa Pilipinas habang nakabinbin pa ang resulta ng kanyang asylum application sa Dutch government.