Patay ang isang lalaki na kumakandidato bilang konsehal sa papalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) matapos na pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa Pikit, North Cotabato.
Kinilala ni Pikit Municipal Police Station chief P/Maj. Arvin John Cambang ang biktima na si Rhoyden Matt Clarence Flores, 36-anyos, at residente ng lalawigan.
Batay sa ulat ng PNP, ang insidente ay naganap dakong 5:00 kamakalawa ng hapon sa isang tindahan ng gulay na matatagpuan sa Barangay Takepen.
Bumibili umano ang biktima ng gulay nang pagbabarilin ng suspek.
Dead on the spot ang biktima dahil sa tinamong tama ng bala sa ulo at iba pang bahagi ng katawan, ayon sa police report.
Inaalam pa ng pulisya kung may kinalaman sa eleksyon o sa trabaho ng biktima bilang peacekeeper sa barangay ang pagpatay sa kanya.
Sa tala ng PNP, si Flores ang ikalawang kandidato sa barangay election ang napapatay ilang araw matapos ang paghahain ng kanilang certificates of candidacy (COC).
Nauna nang napaslang si Haron Dimalanis, 50-anyos na kumakandidato naman bilang kapitan ng Barangay Malingao, sa bayan ng Midsayap.
Ulat ni Baronesa Reyes