Hindi akalain ng isang ginang na ang pagtanggi nitong magbigay ng limos sa isang lalaki ang magiging dahilan ng kanyang kamatayan makaraang habulin siya nito at tarakan sa batok nitong Lunes, Setyembre 4, sa Dumaguete City.

Nakilala ang biktima na si Gelyn Ortega, 43- anyos, at residente ng San Jose, Negros Oriental.

Arestado naman ang suspect na si Michael Catada, 28-anyos, may kakulangang sa pag-iisip, binata at nakatira sa nasabing lungsod.

Ayon kay P/Lt. Col. Ronoel Fungo, hepe ng Dumaguete City Police, sapol ng closed circuit television ang pananaksak ng suspek sa ginang. Nauna rito, humingi umano ng limos ang suspek sa ginang subalit walang naibigay ang huli kaya nagpatuloy lamang sa paglalakad sa Real St.

Lingid sa kanyang kaalaman ay sinundan siya ng suspek at tinarakan sa kanyang batok. Naisugod pa ang biktima ng mga rumespondeng pulis sa pagamutan subalit hindi narin ito umabot ng buhay.

Matapos ang ilang oras ay nadakip din si Catada at inaming nagugutom siya at hindi siya nalimusan kaya sinaksak niya ang ginang.

Ulat ni Baronesa Reyes