Matapos gawin ang kanilang debut sa South Korea, bumalik sa Manila ang all-Filipino pop group na HORI7ON nitong Lunes, Setyembre 4, ilang araw bago ang kanilang homecoming concert.
Ang fans club ng HORI7ON, na tinaguriang “Anchor”, ay pumunta sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 upang salubungin ang pop group.
Mainit na pagbati ang pinamalas ng mga fans kina Vinci, Kim, Kyler, Reyster, Winston, Jeromy, at Marcus kasabay ng pamimigay ng mga bulaklak at regalo sa kanilang homecoming.
Nakatakdang isagawa ng septet ang kanilang homecoming concert sa Araneta Coliseum sa Setyembre 9. Ito ang kanilang unang concert matapos mag-debut sa Korea noong Hulyo.
Ang HORI7ON, co-managed ng ABS-CBN, ay nabuo sa pamamagitan ng reality survival program na “Dream Maker.”