Bukod sa paglalaan ng ₱2 bilyong ayuda mula sa Kamara de Representantes, maaaari ring makakakuha ng tig-₱15,000 tulong mula sa Department of Social Welfare and Development ang mga rice retailer na apektado ng price cap sa bigas ng Malacañang.
Nauna nang nagpalabas ng pahayag si Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian na maaaring makinabang ang mga rice retailer na nangangambang malulugi bunsod ng price cap na epektibo ngayong araw.
Aniya, ang Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Agriculture (DA) ang lilikha ng mekanismo at tutukoy sa mga benipsiyaryo na tatanggap ng naturang ayuda.
Kinumpirma naman ni Assistant Secretary Romel Lopez, sa panayam ng Pilipinas Today, sa kanya sa telepono, na kukuhanin sa ₱5.5 bilyong pondo ng ahensiya, na padadaanin naman sa Sustainable Livelihood Program nito.
Samantala, sa naunang panayam ng DZBB, sinabi naman ni Gatchalian na dapat na gamiting behikulo ng pagpapadaloy ng puhunan at tulong pinansiyal para sa mga mamamayan ang Sustainable Livelihood Program, batay na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
–May ulat si Dindo Flora