Hinikayat ng Department of Health (DOH) ang mga Pinoy na kumain muna ng mais o kamote dahil sa pinangangambahang kakapusan sa supply ng bigas bunsod ng price cap na ipinatupad ng gobyerno.
Ayon kay Dr. Enrique Tayag, tagapagsalita ng DOH, makabubuting gawin munang alternatibo ang mais at kamote para sa “rotation to basic food requirements,” at para mapalitan ang pinagkukunan ng carbohydrates na kailangan ng katawan na makukuha sa bigas.
Puna ni Tayag, maraming Pilipino ang nasanay na kanin ang pangunahing pinagkukuhanan ng carbohydrates, na kailangan para magkaroon nang lakas ang katawan. Pero, aniya, hindi dapat na makompromiso ang calorie intake ng isang tao dahil lamang kapos ang supply ng bigas.
Ayon pa kay Tayag, kapansin-pansin din na mas malakas kumain ng kanin ang mga Pinoy kaysa gulay – na mas masustansiya – na hindi tumutugma sa kanilang isinusulong na “balanced diet.”
Noong 2022, nanawagan si dating DOH Secretary at ngayon Iloilo 1st District Rep. Janette Garin na isulong ang kamote bilang pamalit sa bigas dahil sa pagdausdos ng produksiyon sa bigas.