Maglalaan ang Kamara ng ₱2 bilyong tulong para sa mga rice retailer na maaapektuhan ng ipatutupad na price ceiling sa bigas, partikular iyong nakapamili na ng stocks na mas mataas ang presyo kaysa ₱41 kada kilong itinakda ng Malakanyang.
Ayon kay House Speaker Martin Romualdez, kinausap niya si House appropriations panel chair Rep. Elizaldy Co para makipag-ugnayan sa Department of Budget and Management (DBM) hinggil sa tulong pinansiyal na ibibigay ng Kamara para sa apektadong magbibigas ng Executive Order No. 39 ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Positibo naman ang naging tugon ni Co at sinabing uupuan ng komite at ni DBM Sec. Amenah Pangandaman para pag-usapan kung saan kukunin ang badyet para sa ₱2 bilyong cash aid para sa rice retailer.
“We will promptly engage with the DBM to expedite the release of the ₱2 billion funds for our rice retailers,” ani Co.
Ayon naman sa tanggapan ni Romualdez, kukunin ang naturang pondo sa 2023 national budget.