Pinabulaanan ng Malacañang ang mga nagsasabi na kusang sumuko si Senator Jinggoy Estrada sa Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), matapos maglabas ng arrest warrant ang Sandiganbayan Fifth Division sa kasong plunder kaugnay ng flood control projects scandal.

“Nauna po ang pagsisilbi ng warrant of arrest bago ang kanyang presscon. So, matatawag po itong pag-aresto, dahil hindi po boluntaryong pumunta si Sen. Jinggoy mismo sa law enforcers, hindi pumunta sa CIDG, sa PNP, o sa korte sa Sandiganbayan,” paliwanag ni PCO Usec. Claire Castro.

Sa press briefing ngayong Martes, Hunyo 2, sinabi ni Castro na nauna ang pagsisilbi ng arrest warrant bago pa ang press conference ng senador.

“Mag-aaresto na po [sina Sec. Jonvic Remulla], humingi na lang ng pagkakataon itong si Sen. Jinggoy kung siya ay maaari pang magbigay ng statement,” saad ni Castro.

“So, tama po ang pananaw ni Secretary Jonvic na hindi po ito voluntary surrender kundi pag-aresto,” dagdag pa ni Castro.

Samantala, sumalang na sa arraignment sa Sandiganbayan si Estrada ngayong Martes, Hunyo 2, kaugnay ng kinakaharap niyang mga kaso.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *