Dalawang teenagers ang nasawi, habang sugatan naman ang isa pa makaraang sumabog ang rifle grenade na pinaglaruan umano nila nitong Huwebes, Hulyo 20, sa Sitio Tawid, Barangay Tinago, Inopacan, Leyte.

Kinilala ni Inopacan Police chief P/Captain Daisy Hallasco ang mga nasawi na sina Robert Degorio, 16; at Alfred Alva, 18, habang isinugod naman sa pagamutan ang kasamahan ng mga ito na si Gleen Miguel Accion, 19 anyos.

Ayon kay Hallasco, isang malakas na pagsabog ang narinig mula sa bahay ni Degorio, na nang puntahan ay nakitang duguan ang tatlong biktima.

Isinugod ang mga ito sa Baybay City Immaculate Conception Hospital subalit hindi na umabot nang buhay ang dalawa sa mga biktima.

Sa inisyal na ulat, inimbita umano ni Degorio ang mga kaibigan sa kanilang bahay upang ipakita ang rifle grenade na inilalagay sa improvised gun na may PVC pipe.

Hindi nagkasya ang rifle grenade sa PVC pipe barrel kaya pinukpok nila ito ng bato dahilan upang sumabog ito.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.

—Baronesa Reyes