Sinibak sa pwesto ang hepe ng Rodriguez Police sa Rizal dahil sa command responsibility kaugnay ng pamamaril at pagkasawi ng isang 15-anyos ng mga operatiba.
Ito ang kinumpirma ni Philippine National Police (PNP) spokesperson P/Col. Jean Fajardo.
“Lieutenant Colonel Ruben Piquero was administratively relieved as Chief of Police, Rodriguez, Rizal for command responsibility,” pahayag ni Fajardo.
Si Piquero ay papalitan ni P/Lt. Col. Arnulfo Silencio bilang officer-in-charge ng Rodriguez Police.
Matatandaan na nitong August 24, napatay si John Francis Ompad matapos na mabaril ni P/Cpl. Arnulfo Gabriel Sabillo habang tinutugis ang kanyang kapatid ng mga alagad ng batas sa Barangay San Isidro, Rodriguez, Rizal.
Lulan umano ng motorsiklo ang kapatid ng biktima na si John Ace pauwi sa kanilang bahay nang harangin nina Sabillo at Jeffrey Beluan Baguio.
Nagkaroon habulan sa pagitan ng mga pulis at John Ace hanggang sa ihagis ng huli ang kanyang helmet sa humahabol na pulis.
Sa puntong ito, binunot ni Sabillo ang kanyang baril at pinaputukan ng apat na beses si John Ace. Tinamaan naman ng ligaw na bala si John Francis na kalalabas lamang ng kanilang bahay.
Arestado ang mga pulis at nahaharap sa kasong homicide at attempted homicide. Tiniyak ni Fajardo na patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.
Ulat ni Baronesa Reyes