(Photo courtesy of GMA PNP )
Inaresto sa magkakahiwalay na operasyon ng Cavite Police Provincial Office ang tatlong suspek sa panloloob sa isang convenience store sa GMA (General Mariano Alvarez), Cavite.
Batay sa ulat ng Cavite Police, kinilala ang mga suspek na sina Jaime Christ Camerino, 20, residente ng Imus; Maricel Bautista, 33, taga-Navotas City at ka-live in ni Camerino; at Glen Urbano, 25 anyos, na taga-Bacoor.
“Tayo po ay nagtalaga ng mga tracker team para matunton natin ‘yung mga suspek. Sa atin naman pong pag-back tracking, nasundan po natin ‘yung isa sa mga suspek… galing dito sa GMA, dumiretso sila sa Imus. From there, nagpalit sila ng sasakyan at naghiwalay sila ng isa pang suspek,” ani P/Col. Christopher Olazo, provincial director.
Nakuha umano ng mga pulis mula kay Urbano ang isang motorsiklo at perang nagkakahalaga ng P10,000, samantalang narekober naman kay Camerino ang P50,000 cash, cellphone, sasakyan, at assorted items na hinihinalang ninakaw sa convenience store, at isang baril.
Batay sa police report, bandang 3:00 ng madaling araw nitong Martes, Hulyo 18, nang masapul ng CCTV ang mga suspek, dalawa ang naka-jacket na itim samantalang nakasumbrero ng kulay puti ang isa, na papasok sa isang convenience store sa GMA.
Kuwento ng kahero, inakala niyang customers lamang ang mga ito subalit nagdeklara ng holdap matapos ang ilang minuto.
“Nine thirty ng umaga inabutan natin ‘yung suspek sa loob ng Sogo hotel sa Sta. Rosa, Laguna at kasama niya ‘yung kinakasama,” dagdag pa ni Olazo.
—Ellen Mirasol