Sa kabila ng nangyaring pambu-bully ng Chinese Coast Guard sa mga barko ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Coast Guard (PCG), tagumpay pa ring naisagawa ang rotation at resupply (RoRe) mission ng Pilipinas para sa mga tropang nagmamando ng BRP Sierra Madre na nakabahura ngayon sa Ayungin Shoal.
Sa naging pahayag ng National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS), matagumpay na nagawa ng Unaizah May 1 at May 2 ang misyon nito na maghatid ng supply at iba pang kagamitan sa mga tauhan ng Philippine Marines na nakatalaga sa BRP Sierra Madre.
Ang dalawang resupply vessels ay sinamahan ng mga barko ng Philippine Coast Guard (PCG) na BRP Cabra at BRP Sindangan kahit pa binomba sila ng tubig ng Chinese Coast Guard at Chinese Militia sa Ayungin Shoal.
Binigyang-diin ng NTF-WPS na ang pagdadala ng pagkain, tubig at iba pang basic supply sa nakadestinong Filipino personnel sa Ayungin Shoal ay bahagi ng lehitimong pagpapatupad ng gawaing administratibo ng Pilipinas sa WPS na alinsunod sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), 2016 Arbitral Award at batas ng Pilipinas.
Pinapurihan naman ni NTF-WPS chairman at National Security Adviser Eduardo M. Año ang determinasyon at katapangang ipinamalas ng resupply team ng AFP at Coast Guard para sa naturang misyon.