Kinondena ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang mga alegasyong kumalat sa social media na kinopya ng bagong logo ng ahensiya ang logo ng isang website na tinatawag na ‘Tripper.’

Sa official statement na isinapubliko ng PAGCOR nitong Huwebes, Hulyo 13, tinawag nito ang akusasyon na “malicious and baseless,” nanindigan sa “highest standards of integrity, transparency, and accountability” ng ahensiya, kasabay ng paghimok sa publiko na maging mapagmatyag laban sa maling impormasyon online.

Sinabi rin ng PAGCOR na nagsagawa na ito ng imbestigasyon sa insidente at natukoy na ang website ng Tripper “is lacking showing of credibility and in fact, bears resemblance to a phishing site.”

“The agency urges everyone to be vigilant and to obtain information from credible sources to combat the spread of false narratives and protect themselves from potential scams,” saad sa pahayag ng PAGCOR.

Kumalat sa social media nitong Huwebes ang mga post na nagkukumpara sa bagong logo ng PAGCOR at logo ng Tripper.

Makikitang parehong-pareho ang hugis at sukat ng dalawang logo, na kulay lamang ang ipinagkaiba: kumbinasyong pula at asul ang sa PAGCOR habang light blue naman ang sa Tripper.

Nangyari ito ilang araw makaraang kuyugin ng pambabatikos ng netizens ang bagong logo ng PAGCOR.