Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na naghain na ito ng pormal na protesta laban sa nangyaring ng pambobomba ng tubig ng Chinese Coast Guard sa barko ng Philippine Coast Guard sa Ayungin Shoal, nitong Linggo, Agosto 6.
Ayon sa ulat, mismong si Philippine Ambassador Jaime FlorCruz ang naghain ng protesta sa Beijing.
Ipinatawag din umano ni DFA Undersecretary Theresa Lazaro si Chinese Ambassador Huang Xilian ngayong umaga, Agosto 7, at tumagal ng isang oras ang kanilang pagpupulong.
Ito ay sinabayan ng pagbibigay ng note verbale kay Ambassador Xilian na suportado ng mga larawan at video ng insidente sa Ayungin Shoal.
“Titingnan natin kung ano ang kanilang magiging sagot,” pahayag naman ni President Ferdinand R. Marcos Jr.
Ppulungin ni Marcos, bilang commander-in-chief ng Armed Forces of the Philippines (AFP), ang matataas na opisyal ng militar at Department of National Defense (DND) upang magsagawa ng assessment kung paano haharapin ng kanyang administrasyon ang panibagong insidente ng umano’y pambu-bully ng China.
Ayon sa Chinese authorities, gumamit ang kanilang Coast Guard ships ng water cannon sa mga barko ng Philippine Coast Guard upang hindi magsalpukan ang mga ito.
Samantala, sinabihan ng Chinese government ang Philippine authorities na alisin na ang isang barko na sinasabing sadyang ibinalandra sa Ayungin Shoal upang igiit ang soberanya ng ating bansa.