Magkatuwang na dinebelop ng isang tech company at isang unibersidad sa Tokyo, Japan ang isang app na nakakatukoy kung may iniindang sakit ang isang pusa.
Simula nang isapubliko noong nakaraang buwan, umaabot na ngayon sa 43,000 ang mga gumagamit ng ‘Cat Pain Detector’ sa Japan, Europe, at South America, sinabi ni Go Sakioka, head ng app developer na Carelogy, sa Agence France-Presse.
Nakipagtulungan ang Carelogy sa College of Bioresource Sciences ng Nihon University upang makalikom ng 6,000 litrato ng pusa, kung saan masusi nilang pinag-aralan ang mga posisyon ng tenga, ilong, talukap ng mata, at whiskers ng mga ito.
Gumamit sila ng scoring system, na idinisenyo ng University of Montreal, upang sukatin ang minute differences sa pagitan ng mga pusang walang sakit at ng mga may iniindang kirot na dulot ng mga karamdamang hindi madaling matukoy.
Ang mga nakalap na impormasyon ay ibibigay ng app sa isang AI detection system, na mahusay na gumagana dahil na rin sa libu-libong litratong in-upload ng mga users, ayon kay Sakioka.
Sa ngayon, tiniyak ni Sakioka sa AFP na ang app ay mayroon nang “accuracy level of more than 90 percent.”
“We want to help cat owners judge more easily at home whether to see a vet or not,” ani Sakioka.