Pitong katao ang sugatan matapos makagitgitan umano ng isang pampasaherong bus ang isang trailer truck sa Gerona, Tarlac.
Apat sa mga biktima ay isinugod sa Tarlac Provincial Hospital at tatlo sa Central Luzon Doctor’s Hospital.
Batay sa ulat ng Gerona Municipal Police Station, naganap ang insidente dakong ala-1:30 ng madaling-araw nitong Lunes, Agosto 7, sa Manila North Road sa Barangay Caturay, Gerona, Tarlac.
Kapwa binabaybay ng Dagupan Bus na may plakang AA1-1899 at HOWO trailer truck na may plakang NFL-8307 ang northbound lane nang maganap ang aksidente.
Sinusundan umano ng bus ang trailer truck na lumiko pakaliwa subalit sa halip na huminto at hintaying makaliko ang truck ay nagtuloy-tuloy ang bus dahilan upang sumalpok ito sa katawan ng dambuhalang sasakyan.
Dahil sa insidente, nag-apoy ang gilid ng bus at nahirapang lumabas ang mga pasahero.
Ayon sa ulat, kinailangan pang basagin ang mga bintana ng bus upang makalabas ang mga pasahero.
Bukod sa konduktor na naputulan ng kamay, nailigtas naman lahat ang mga pasahero ng bus.
Sa kasalukuyan, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad upang madetermina kung may dapat managot sa insidente.
-Baronesa Reyes