Isinuko ng kampo ni Senator Ronald ‘Bato’ dela Rosa sa Philippine National Police (PNP), ang 20 baril na nakarehistro sa kanyang pangalan at sa kanyang address sa Barangay Ma-a sa Davao City.
Sinabi ng PNP ngayong Lunes, Hunyo 15, na isang legal representative ni Dela Rosa ang nagsuko ng mga baril na nakarehistro sa kanya sa PNP Regional Civil Security Unit sa Region 11.
Binigyan naman ng pulisya ng acknowledgment receipt ang kampo ni Dela Rosa.
Mayo 27 ngayong taon nang i-revoke ng PNP-Firearms and Explosives Office (FEO) ang lisensiya ng 117 baril na nakarehistro sa gun enthusiast at dating PNP Chief, na mayroong arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC).
