“Hirap na hirap na ang maraming Pilipino na makasabay sa pagtaas ng gastusin. Sa katunayan, ayon sa datos, aabot sa 87 percent ng ating mga kababayan ang nasa ganitong sitwasyon-kabilang dito ang mga middle o working class,” ayon kay Sen. Bam Aquino.

Ayon kay Sen. Bam Aquino, tinatayang 87 percent ng mga Pilipino ang nangangailangan ng tulong dahil sa patuloy na pagtaas ng gastusin sa araw-araw na pamumuhay.

Binigyang-diin ni Sen. Aquino na kabilang sa mga labis na apektado ang middle at working class na kadalasang sapat lamang o kulang pa ang kinikita, ngunit hindi direktang nakatatanggap ng ayuda mula sa pamahalaan.

“Sila ang mga kababayan nating sapat lang ang kinikita, kadalasan kulang pa, pero walang direktang natatanggap na tulong mula sa pamahalaan. Kung halos lahat ay nangangailangan ng tulong, dapat may mga solusyon din para sa nakararami, hindi lang sa iilan,” saad ng senador.

“Kaya malinaw ang ating patuloy na panawagan: suspendihin ang excise tax sa diesel at gasolina, o ibaba ang VAT mula 12% to 10%-mga hakbang na makakatulong sa mas nakararaming Pilipino,” dagdag pa niya.

Ulat ni LJ Bulawan