“Mukhang ‘yung trend so far, sa bagay tatlong araw pa lang, pero mukhang paakyat siya. So baka may oil price hike tayo next week,” saad ni Energy Secretary Sharon Garin.
Posibleng tumaas ang presyo ng petrolyo sa susunod na linggo bunsod ng patuloy na pagbaba ng halaga ng piso kontra sa dolyar, ayon kay Department of Energy (DOE) Secretary Sharon Garin.
Sa isang panayam ng Abante News nitong Huwebes, Abril 30, sinabi ni Garin na nakikita na ang bantang dagdag-presyo base sa naging galaw ng bentahan ng petrolyo sa mundo nitong mga nakaraang araw.
Samantala, nakatutok pa rin ang ahensya sa takbo ng merkado hanggang bukas, Mayo 1, para malaman kung magkano ang eksaktong magiging patong sa presyo ng gasolina, diesel, at kerosene na ipatutupad sa susunod na linggo.
Ulat ni Julian Katrina Bartolome
