Maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan ang haze mula sa sunog sa Navotas Sanitary Landfill noong Abril 10, ayon sa Department of Health (DOH).
Ang haze, na binubuo ng fine smoke at dust particles mula sa sunog at abo, ay maaaring magdulot ng iba’t ibang panganib sa kalusugan tulad ng hirap sa paghinga, ubo, pananakit ng dibdib, iritasyon sa mata, at paglala ng mga sakit sa baga gaya ng asthma.
Paliwanag ng Department of Health (DOH), ang mga pinong particle sa haze ay kayang makapasok at umabot kahit sa pinakaloob ng baga at maaari ring makaapekto sa daluyan ng dugo, lalo na kung matagal ang exposure rito.
Batay naman sa monitoring ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), umabot sa “hazardous” level ang air quality sa Valenzuela City, na nangangahulugang delikado ito para sa lahat ng residente.
Nakapagtala naman ng “unsafe for sensitive groups” na air quality level ang Caloocan, Malabon, Marikina, Quezon City, at ilang bahagi ng Bulacan, na nangangahulugang mapanganib ito para sa mga bata, matatanda, at mga may sakit sa puso o baga.
Bunsod nito, pinapayuhan ng DOH ang publiko sa mga apektadong lugar na limitahan ang paglabas.
Ulat ni Bea Tanierla
