Nakikipag-ugnayan na ang mga lokal na awtoridad sa kanilang mga counterpart sa Vietnam para i-verify ang mga intelligence report na nagsasabing nasa nasabing bansa ang negosyanteng si Charlie “Atong” Ang, ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla.
“Si Atong Ang ang latest balita namin nasa Vietnam… Gumagawa kami ng diplomatic efforts para kausapin ‘yung counterparts namin doon para tignan ‘yung immigration record nila kung nandoon talaga,” saad ni Remulla.
Sa isang panayam sa Super Radyo dzBB ngayong Martes, Abril 7, sinabi ni Remulla na posibleng lumabas si Ang ng Pilipinas sa pamamagitan ng backdoor sa Mindanao patungong Malaysia, ilang linggo bago pa man mailabas ang mga warrant of arrest laban sa kanya.
Matatandaang iniuugnay si Ang sa mga kaso ng kidnapping with homicide at kidnapping and serious illegal detention kaugnay ng kontrobersyal na kaso ng mga nawawalang sabungero.
Sa kabila nito, mariin namang itinanggi ni Ang ang lahat ng mga alegasyong ipinupukol laban sa kanya.
Ulat ni Bea Tanierla
