Naglabas ng subpoena ang House Committee on Justice para sa isang auditor mula sa Commission on Audit (COA) para isumite ang mga orihinal na dokumento sa liquidation ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) mula taong 2022 hanggang 2023.

Inaasahang haharap sa pagdinig sa darating na Abril 14 si State Auditor V Atty. Gloria Camora mula sa Intelligence and Confidential Funds Audit Office ng COA para isumite ang mga hinihiling na record.

Kabilang sa mga dokumentong hinihingi ng House Committee on Justice ang mga “Documentary Evidence of Payments” (DEPs) na naglalaman ng mga pangalang “Mary Grace Piattos,” “Milky Secuya,” “Kokoy Villamin,” at “Irene Tan.”

Target din ng nasabing komite na silipin ang mga dokumentong kulang sa detalye, gaya ng mga walang pirma o petsa, at iba pang kahina-hinalang disbursement.

Ulat ni Bea Tanierla