Sa ulat ngayong Sabado, Marso 21, inanunsyo ng Northern Mindanao Federation of Transport Cooperatives (NOMFEDTRASCO), ang pansamantalang tigil-operasyon sa Lunes, Marso 23, bilang protesta sa desisyon ng pamahalaan na ipagpaliban ang P2 fare hike.
Nilinaw ni NOMFEDTRASCO CEO Luzminda Escobidal na hindi umano ito strike kundi pansamantalang paghinto ng operasyon, dahil hirap na umano ang mga drayber at operator sa patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina.
Aniya, karamihan sa mga drayber ay halos wala nang naiuuwi dahil napupunta na lamang sa gasolina at bayad sa prangkisa ang kanilang kita.
Samantala, sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board–Northern Mindanao (LTFRB-10) na nauunawaan nila ang hinaing ng mga transport group, ngunit iginiit na hindi dapat maapektuhan ang pampublikong transportasyon.
Nakipag-ugnayan na rin ang LTFRB-10 sa mga lokal na pamahalaan at pribadong sektor upang magpadala ng sasakyan na makakatulong sa mga commuter habang may transport holiday.
Ulat ni Brit Cezar
