Naglabas ng advisory ang Land Transportation Office (LTO) na simula Nobyembre 2026 ay babalik na sa regular na validity period at renewal schedule ang mga rehistro ng sasakyan, driver’s at conductor’s license, student permit, at medical certificate.
“Pinapayuhan ng LTO ang publiko na maging maagap sa pagproseso ng kanilang renewal at tiyaking kumpleto ang mga kinakailangang dokumento bago magtungo sa mga tanggapan ng ahensya,” ayon sa LTO.
Ito ay kasunod ng pagbabalik sa normal na operasyon ng Land Transportation Management System (LTMS), ayon kay LTO chief Markus Lacanilao.
Gayunpaman, upang mabigyan ng sapat na panahon ang mga motorista na may mga dokumentong nag-expire mula Hulyo hanggang Oktubre 2026, at saklaw ng dating extension, nagtakda ang LTO ng palugit para sa pag-renew ng mga ito.
Alinsunod sa Memorandum Circular (MC) No. MVL-2026-5523 na may petsang Oktubre 29, 2026, maaari nilang makumpleto ang renewal sa loob ng itinakdang panahon nang walang karagdagang bayarin at multa.
Narito ang schedule ng renewal at ang huling araw ng palugit:
Hulyo at Agosto 2026 – Magsisimula ang renewal sa Nobyembre 3, 2026 at magtatapos sa Disyembre 29, 2026.
Setyembre 2026 – Magsisimula ang renewal sa Disyembre 1, 2026 at magtatapos sa Enero 29, 2027.
Oktubre 2026 – Magsisimula ang renewal sa Enero 4, 2027 at magtatapos sa Pebrero 26, 2027.
Ang mga motorista na hindi makakapag-renew sa loob ng itinakdang palugit ay papatawan na ng kaukulang bayarin at multa.
