Maaaring makulong ng hanggang 30 araw o pagmultahin ng P10,000 ang sinumang lalabag sa Vape Law, partikular ang mga nagbebenta ng naturang produkto sa mga paaralan at iba pang lugar na may mga menor de edad, ayon sa Department of Trade and Industry (DTI).

Inanunsiyo ng Department of Trade and Industry (DTI) na mahigpit na ipinagbabawal ang pagbebenta o pagpo-promote ng vape products sa mga paaralan pati sa loob ng 100 meter radius mula rito.

Ayon sa DTI, ito ay alinsunod sa Vape Law (Republic Act No. 11900) na nagbabawal sa pagbebenta, promosyon, pag-anunsyo, at pagpapakita ng mga vaporized nicotine at non-nicotine products sa mga lugar na madalas puntahan ng mga menor de edad, partikular na sa mga paaralan.

Samantala, ang mga menor de edad na mahuhuling nagbebenta, bumibili, o gumagamit ng vape ay ire-refer sa intervention programs ng Department of Health (DOH) at Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Hinihikayat din ang mga consumer na i-report ang mga paglabag sa pamamagitan ng Citizen and Stakeholder Communications (CSC) System ng DTI–Office for the Special Mandate on Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products (OSMV).

Ulat ni Julian Katrina Bartolome