Sa kanilang programang “Executive Session” sa DZRH nitong Sabado, Hunyo 21, sinabi ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla na base sa testimonya ng whistleblower na si alyas “Totoy,” mahigit 100 sabungero ang pinatay at ibinaon sa Taal Lake nitong mga nakaraang panahon.
“Nasa 100 (missing sabungeros) na sa lumalabas na mga pangyayari. At saka, siyempre, nagke-case build up pa rin kami although may mga evidence kami despite his testimony,” sabi ni Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla.
Aniya, patuloy na bina-validate ng mga imbestigador ang testimonya ni Totoy, na diumano’y isang security guard, na nagbunyag na sa Taal Lake nila ibinaon ang mga labi ng nawawalang mga sabungero.
“Matindi ‘yung narration na ‘yan. Kasi may mga palaisdaan d’yan kung saan ipinakakain ‘yung mga ano…hindi nakatutuwa ‘yan,” kuwento ni Remulla sa kanilang broadcast.
Aniya, humingi na ang DOJ ng tulong sa gobyerno ng Germany at Japan upang matukoy ang pinaglibingan ng mga sabungero na pinaniniwalaang iniligpit dahil sa pagpupumilit na gumawa ng sariling application para sa online sabong.
Ito ay bukod sa tulong na kanilang hiniling mula sa Philippine Coast Guard (PCG) at Philippine Navy divers sa paghanap sa labi ng mga nawawalang biktima.
