Inihayag ng Department of Education (DepEd) ngayong Miyerkules, Nobyembre 25, na bahagi na ng basic education curriculum sa bansa ang pagtuturo ng cardiopulmonary pesuscitation (CPR), first aid, at Basic Life Support (BLS) upang maihanda ang mga mag-aaral sa pagtugon sa mga emergency.
Alinsunod ito sa Republic Act No. 10871 o Basic Life Support Training in Schools Act, na mas kilala bilang Samboy Lim Law bilang pagkilala sa Philippine Basketball Association (PBA) icon na naging inspirasyon sa pagsusulong ng emergency training sa mga paaralan.
“Kaya natin dinadala ang practical first aid at CPR training sa ating mga paaralan, para bigyan ang ating mga kabataan ng lakas ng loob at totoong kasanayan para saklolohan ang kanilang mga kaklase, pamilya, at kapitbahay sa mga oras na kailangan sila,” ani DepEd Secretary Sonny Angara.
Sa Senior High School, maaari namang magsanay ang mga estudyante sa mas advanced na responder skills, kabilang ang paggamit ng Automated External Defibrillator (AED), pag-aalis ng bara sa baga, rescue breathing, at pagtugon sa mga insidente kung saan maraming nasugatan.
Hinihimok ng DepEd ang mga Schools Division Office na gamitin ang mga lokal na pondo at bumuo ng mga pampubliko at pampribadong pakikipagtulungan upang ma-standardize ang pagsasana at madagdagan ang kagamitang pang-emergency sa mga paaralan.
