Inaprubahan na ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) ang dagdag-sahod para sa mahigit 314,000 minimum wage earners at domestic workers sa Ilocos Region at Cagayan Valley regions, inanunsiyo ng Department of Labor and Employment (DOLE) ngayong Miyerkules, Nobyembre 25
Sa Ilocos Region, magiging ₱545 ang minimum daily wage sa non-agricultural establishments na may 10 o higit pang empleyado, at ₱515 naman sa mga may mas kaunting manggagawa.
Itatakda rin sa ₱7,150 ang buwanang minimum wage ng domestic workers sa rehiyon.
Samantala, magiging ₱540 ang minimum daily wage sa Tuguegarao, Cauayan, Ilagan at Santiago cities sa Cagayan Valley, habang ₱530 naman sa iba pang munisipalidad.
Aabot naman sa ₱7,000 ang buwanang minimum wage ng domestic workers.
Inaasahang magkakabisa ang wage increases sa Ilocos sa Disyembre 14 at sa Cagayan Valley sa Disyembre 16. Ipatutupad ang mga ito sa dalawang tranche.
