Natunton ng Philippine Coast Guard (PCG) ang umano’y backdoor route sa Bataraza, Palawan na ginagamit para sa human trafficking sa Palawan kung saan nailigtas ang 11 indibidwal na dumaan dito papuntang Malaysia.
Natagpuan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang umano’y backdoor route sa Bataraza, Palawan na ginagamit sa human trafficking matapos nilang rumesponde sa isang maritime incident kung saan lumubog ang isang motorboat na MBCA Kumpit sa karagatan ng Canibugan Island, Balabac, Palawan, noong Hunyo 8 kung saan nakasakay ang 11 indibidwal na nailigtas ng mga mangingisda.
Ayon sa mga nasagip na indibidwal na mula sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas, en route umano sila sa Malaysia gamit ang backdoor way sa Bataraza, Palawan nang magkaroon ng engine failure ang sinasakyang motorboat dahilan para lumubog ito.
Nagpatuloy naman ang search and rescue operations ng BRP Malapascua at isang high-speed response boat upang hanapin ang dalawang nawawalang pasahero ng MBCA Kumpit, habang nasawi ang isang babaeng pasahero mula Cavite dahil sa insidente.
Nasagip naman ng PCG ang pangalawang batch ng umano’y biktima ng human trafficking sa Rio Tuba, Bataraza, Palawan matapos ang follow-up operation matapos malaman na may isa pang grupo ng illegal recruits ang naghahandang pumunta sa Malaysia gamit ang naturang backdoor route.
Kasalukuyan namang nagsasagawa ng joint investigation ang PCG at Philippine National Police (PNP) upang kumpirmahin ang identity ng mga nasagip na indibidwal at connections nito sa trafficking activity sa lugar.
Ulat ni Julian Katrina Bartolome