Sa pamamagitan ng isang resolusyon, pinaiimbestigahan ni Senator Loren Legarda sa Senado ang napaulat na pagtatapon ng labi ng mga alagang aso at pusa sa City of San Jose Del Monte sa Bulacan at titiyaking sapat ang umiiral na regulasyon sa pet cremation sa bansa.

Inihain ni Senator Loren Legarda ang Senate Resolution No. 759, kasunod ng viral na pagkakadiskubre ng mga naka-plastic na bangkay ng mga aso at pusa sa iba’t ibang bahagi ng City of San Jose del Monte, na iniuugnay sa isang pet cremation service provider.

“Our pets are cherished members of our families. Entrusting their remains to a cremation service is a final act of love and respect. To allegedly exploit that trust, collect payment for services that may not have been rendered, and discard their remains without dignity is unconscionable,” sabi ni Legarda.

Nanawagan din si Legarda sa National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP), at iba pang kinauukulang awtoridad na magsagawa ng masusi at patas na imbestigasyon upang matukoy ang mga batas na posibleng nalabag sa insidente, at sampahan ng kaso ang kinakailangang managot.

“Sa mga pamilyang nawalan ng kanilang minamahal na alaga, nakikiisa ako sa inyong dalamhati at galit. Hindi dapat samantalahin ang inyong pagtitiwala, lalo na sa ganitong pagkakataon,” sabi ni Legarda. “Karapatan ninyong malaman ang katotohanan at makamit ang katarungan.”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *