Pumalo na sa 148,831 ang bilang ng kaso ng human immunodeficiency virus (HIV) sa bansa, ayon sa ulat ng Department of Health (DOH).

Sa isang video message nitong Martes, Hunyo 3, sinabi ni Health Secretary Teodoro Herbosa na ang mas malaking problema sa kalusugan sa Pilipinas ngayon ay hindi ang monkeypox (Mpox) kundi ang HIV.

“Five hundred percent increase po tayo ng HIV cases sa mga edad 15 hanggang 25. In fact, ang pinakabatang na-diagnose natin ay batang 12-anyos sa probinsiya ng Palawan,” pahayag ni Herbosa.

“Sa datos natin tayo na ang pinakamataas na new cases sa Western Pacific Region. Ang nakakatakot lang maraming new cases sa ating kabataan,” dagdag pa niya.

Inihayag din ni Herbosa ang kaniyang pag-aalala na kung hindi mapipigilan ang ganitong pagtaas, maaaring umabot sa 400,000 ang bilang ng mga taong nabubuhay na may HIV sa Pilipinas.

Ulat ni Julian Katrina Bartolome

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *