Sa pamamagitan ng kani-kanilang embahada sa Pilipinas, kondena ng iba’t ibang bansa ang pinakahuling insidente ng pambu-bully ng China Coast Guard (CCG) sa resupply vessel ng Pilipinas sa West Philippine Sea kung saan isang sundalong Pinoy ang nasugatan.
Umani ng batikos mula sa iba’t ibang bansa ang panibagong insidente ng umano’y pambu-bully ng China sa mga sasakyang pangdagat ng Pilipinas sa karagatan ng Ayungin Shoal na naganap noong Linggo, Hunyo 17.
Sinabi ni U.S. Ambassador to the Philippines MaryKay Carlson sa kanyang post sa social media X (dating Twitter) na ito ay “aggressive, dangerous maneuvers at nagdulot ng “bodily injury.”
Ayon naman kay Ambassador David Hartman ng Canada, ang nasabing aksyon ay maituturing na mapanganib at lumilikha ng kaguluhan sa rehiyon.
“These dangerous and destabilizing actions caused injuries and put at risk stability, security and prosperity in the Indo-Pacific region”, pahayag niya.
“The EU opposes coercion and intimidation in the South China Sea, or anywhere. We support international law and peaceful dispute resolution,” ayon kay European Union Ambassador Luc Veron.
Ulat ni T. Gecolea