Tatlong katao ang naiulat na nasawi habang lima pa ang nasugatan sa pananalasa ng bagyong Aghon sa iba’t ibang panig ng bansa nitong weekend.
Batay sa ulat ng Philippine National Police (PNP) ngayong Lunes, Mayo 27, ang mga nasawi ay mula sa Quezon province.
Isa sa mga ito ay ang 14- anyos na si John na nabagsakan ng puno ng buli sa Lucena City.
Patay din ang 50-anyos na si Marcelino Estolino makaraang madaganan ng puno ng acacia ang kanilang bahay sa Tiaong, Quezon.
Sa Padre Burgos naman, nalunod ang pitong-buwang gulang na sanggol nang hampasin ng malalaking alon ang kanilang bahay. Ang bangkay ng sanggol ay natagpuan sa Barangay Ilayang Polo sa Pagbilao.
Batay sa ulat ng Provincial Social Welfare and Development Office, nasa 3,172 katao mula sa 779 pamilya ang naapektuhan ng bagyo sa probinsya.
Umabot dinsa 174 bahay ang naiulat na partially damaged at 17 ang totally damaged sa 49 barangays na sinalanta ng bagyo. Limang tao din ang naiulat na nasugatan , isa mula sa Calabarzon at apat mula sa Bicol Region.
Ulat ni Baronesa Reyes