Ano nga ba ang pinagkakaabalahan ngayon ni citizen Rafael Alunan III?
Bukod sa pagiging pangulo ng prestihiyosong Rotary Club of Manila, pangangasiwa sa isang malaking kumpanya, at sa pagsabak sa mga aktibidad ng Philippine Army Reserve Command, naka-focus din ngayon sa social media ang 75-anyos na dating kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG) at Department of Tourism (DOT), sa paghahayag ng kanyang saloobin hinggil sa mga current events sa bansa.
At ang kanyang mga paboritong usapin: POGO (Philippine Offshore Gaming Operators), at Chinese intrusion sa West Philippine Sea.
Sa eksklusibong panayam ng “Strictly Confidential” ng Pilipinas Today kamakailan, inilahad ni Alunan ang kanyang mga nakalap na impormasyon hindi lamang sa kanyang mga kaibigan sa media kundi maging sa kanyang sources mula iba’t ibang sangay ng pamahalaan, kung paano unti-unti umanong niyuyurak ng gobyerno ng China ang soberanya ng Pilipinas.
Galing man sa classified o declassified information, ikinuwento ni Alunan ang aniya’y clandestine efforts ng China upang manmanan ang mga military installations at intelligence agencies sa pamamagitan ng pagpapakalat ng POGO personnel, kung saan nabuking ang mga tauhan ng People’s Liberation Army (PLA).
Bukod dito, kinilatis din niya ang papel ng gobyerno ng Amerika sa nangyayaring agawan ng teritoryo sa pagitan ng Pilipinas at China sa West Philippine Sea at kung kailan maaaring pakinabangan ng una ang RP-US Mutual Defense Treaty (MDT) sa lumalalang iringan sa lugar.
“If China wants to be the next super-power it has to dislodge the US, it will have to come down to a showdown one of these days. So far ang kanilang labanan is in the gray zone, walang barilan, pero may cyber warfare, may trade warfare, diplomatic warfare, may information warfare, all kinds of warfare. May financial warfare, may trade sanctions,” pahayag ni Alunan.
“All of these things are leading to a very, very dangerous period where at some point, one of them, will snap and hit the other. When will that happen? Ang global security analyst from West all the way to the East are looking at between 2025 to 2027.”
Ayon kay Alunan, gusto niyang ilahad sa publiko ang importanteng mga impormasyong nalalaman niya upang umapela sa publiko na mahalagang seryosohin ang mga naunang pagbabanta at panggigipit ng China.
“It may not happen, but it’s important to be situationally aware of what is happening. Because if the worst scenario happens or takes place, and we are not prepared, we are dead meat,” babala ng Army Special Forces reservist.
Naniniwala si Alunan na alam din ng mga awtoridad at ng gobyerno ng Pilipinas ang mga nalalaman niya, pero hindi ito inilalahad sa publiko upang maiwasan daw marahil ang pagpa-panic ng lahat.
“If we’re unable to generate the kind of awareness of the people, we’re gonna have a hard time securing them, that’s why as early as now we have to feed the people the right, accurate, timely information. So that they don’t panic.
“‘Yung old thinking is don’t say anything to the people, otherwise they’ll panic. I’d rather panic now than when trouble hits, because it will be worse for the people then,” sabi pa ni Alunan.