Alam na ng lahat na hindi consistent ang pagpapatupad ng national transport policy sa bansa kaya hindi nareresolba ang problema sa trapiko, partikular sa National Capital Region (NCR).
Ito ang pagbubunyag ni Atty. Roberto “Robby” Consunji, trustee ng Automobile Association Philippines (AAP), sa eksklusibong panayam ng ‘Strictly Confidential by Pilipinas Today’ sa kanya kamakailan.
Aniya, ang isang mabisang national transport policy at ang pagbabalik ng Non-Contact Apprehension Policy (NCAP) ang makareresolba sa matinding trapiko sa Metro Manila.
NCAP: Solusyon sa kurapsiyon, bus lane violators
Para kay Consunji, isang mabisang solusyon ang NCAP para mabawasan ang korupsiyon sa lansangan at mabilis na mahuhuli ang mga pasaway na driver kahit na walang nakabantay na traffic enforcer.
Madalas kasing nagkakaroon ng negosasyon sa pagitan ng nahuling driver at traffic enforcer sa pag-isyu ng traffic violation ticket, na kadalasang nauuwi sa suhulan, ani Consunji.
Gayunman, aminado si Consunji na hindi perpekto ang NCAP at may mga bagay na dapat na pagbutihin sa mismong patakaran at gamit na teknolohiya nito.
Naniniwala rin si Consunji na maaaring maging sagot sa tumitinding paglabag sa EDSA Bus Lane ang NCAP pati na rin ang mahilig mag-swerving at humihinto sa loob ng “yellow box.”
Aniya, ang NCAP ang pinakamagandang patakarang ipinatupad ng gobyerno pagdating sa trapiko, na sa kasamaang-palad, ay sinuspinde ng Korte Suprema.
Open Deed of Sale, delikado
Nagpayo rin si Consunji sa mga bumibili ng sasakyan na naka-open deed of sale na ipalipat agad sa pangalan ng bagong owner ang rehistro para iwas-problema.
Naging “wake up call” din umano ang pagkakaroon ng NCAP pagdating sa isyu ng non-transfer ng rehistro ng sasakyan lalo na kung may traffic violation ang bagong nakabili subalit sa dating may-ari pa rin naipadadala ang ticket.
Ang open deed of sale ay karaniwang ginagawa ng mga vehicle owners na balak pang ibenta ang kanilang sasakyan kaya hindi muna nila inilalagay ang Land Transportation Office (LTO) registration sa kanilang pangalan.
Problema sa plaka, naayos na
Samantala, sinabi ni Consunji, batay sa impormasyong natanggap niya mula mismo sa Department of Transportation (DOTr), na naresolba na ang vehicle license plate shortage para sa mga bago at lumang sasakyan.
Sa kabilang banda, tinalakay din ni Consunji sa panayam ang hinggil sa usapin ng e-driver’s license at physical driver’s license card.
Aniya, umaabante na ang Pilipinas patungong digital age kaya dapat na ring mag-adjust ang mga motorista pagdating sa lisensiya.
Dagdag ni Consunji, ang isa sa mga problemang kakaharapin ng nagmamaneho, kung sakali, sa e-driver’s license, ay ang usapin ng mobile data.