Iniimbestigahan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno ang isang chemical spill sa coastal area ng Barangay San Miguel, Bauan, Batangas mula sa isang storage facility noong Sabado, Nobyembre 4.
“Sa ngayon pinag-uusapan namin hindi pa ito natatapos, we will still have a lot of monitoring here kasi maaaring sa dagat nawala na pero sa mga buhabuhangin baka naririyan at makakapaekto sa kalusugan, magkano ba ang nasirang mga fishkill,” ayon kay Dr. Amor Calayan ng Batangas PDRRMO.
Dahil sa chemical spill, dalawang residente na nasa edad 24 at 17 ang naospital dahil sa paninikip ng dibdib at hirap sa paghinga.
Aminado si Emil De Roxas, ang depot in-charge ng IMPEX Philippines Company Inc, na galing sa kanilang Tank Number 5 ang leakage.
“Kapag chemical ang tumatapon, isinasara namin kaagad kaso kapag umuulan ibinububukas din namin, nakalimutan isara pero kaunting-kaunti lang naman halos 1 drum lang ” paliwanag ni Roxas.