Nakiusap si Senator Robinhood “Robin” Padilla sa Department of Interior and Local Government (DILG) na ibigay na ang matagal nang naipangakong financial assistance sa sumukong mga miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG).
“Kasi matagal na sila, ang tagal na nito nag-surrender. Napasa-pasa na galing AFP tapos DILG. Napakahalagang harapin ito at alam kong hinaharap ninyo… Sabi nga nila, to win battles, we have to win hearts and minds. Kung sa labanan lang mahirap patunayan ‘yan, ang kailangan makuha natin puso at kaisipan ng mga rebelde at siyempre po bilang kayo po ang nasa DILG napakahalaga po na mabigyan nyo ng pansin ang mga returnees na ito,” ani Padilla sa pagdinig ng Senado sa panukalang budget ng DILG para sa 2024.
“Marami tayong napa-surrender. Itong huli, noong nakaraang taon, tinanong natin ang AFP patungkol sa napa-surrender nating mga ASG. Ngayon tinuro nila na nandoon na raw sa DILG,” ani Padilla.
Samantala, ipinaliwanag naman ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos na sinusuring mabuti ng provincial teams sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (ECLIP) kung tunay na ASG returnees ang kanilang ka-transaksiyon bago ipagkaloob sa kanila ang financial assistance.
“I assure you we will work on this,” pagtiyak ni Abalos kay Padilla.