Iniulat ng Bureau of Fire Protection (BFP) na umabot na sa anim ang bilang ng mga sugatan sa nagaganap na sunog sa isang bodega sa Valenzuela City na nagsimula pa kahapon, Setyembre 28, ng madaling araw.
Ayon pa sa ulat, lima sa mga sugatan ay mga miyembro ng firefighting units na nagtamo ng sunog o kaya’y hiwa sa kamay, hita at iba pang bahagi ng katawan bunsod ng kanilang pagresponde sa insidente.
Sinabi sa report na nagsimula ang sunog pasado alas-12:00 ng madaling araw kahapon sa storage building ng Herco Trading na matatagpuan sa G. Molina St., Barangay Bagbagin, Valenzuela City, subalit hindi pa ito tuluyang naapula hanggang isinusulat ang balitang ito.
Sinabi ng fire investigators na unang nasunog ang tambakan ng paleta sa main entrance ng gusali at mabilis na kumalat sa buong warehouse na ginawang imbakan ng construction materilas na karamihan ay plastic at rubber.
Umabot sa ikalimang alarma ang sunog at naitaas kalaunan sa Task Force Bravo dakong 2:46 ng hapon. Dahil sa laki ng sunog, pansamantalang isinara sa mga motorista ang kalsada sa Paso de Blas upang makadaan ang mga rumerespondeng bumbero.
Ilang residente rin ang inilikas at ngayon ay pansamantalang nanunuluyan sa evacuation site sa A. Mariano Elementary School , lumang barangay hall sa Bagbaguin at Paso de Blas 3S Center.
Umabot sa 118 ang bilang ng mga pamilya na nagsilikas sa evacuation centers bunsod ng insidente.
Ulat ni Baronesa Reyes