Sumuko na sa airport police ang umano’y nasa likod ng pagpapasabog ng molotov bomb sa NAIA Terminal 3 noong Setyembre 23 ng umaga.

Ayon sa ulat ng DZBB, sumuko na kaninang umaga sa Police Aviation Security Group (ASG) ang isang lalaki na aminado umano na siya ang nagtapon ng molotov bomb sa parking area noong nakaraang Sabado.

Hindi bababa sa tatlong sasakyan ang napinsala sa naganap na pagsabog.

Ayon pa sa ulat, sinabi ng sumukong suspek na kaya niya nagawa iyon ay dahil nakararanas siya ng matinding depresyon mula sa alitan nilang mag-asawa.

Sa kabila nito, bineberipika pa rin ng pulisya kung siya nga ang tunay na salarin sa nangyaring pagpapasabog sa tulong na rin ng CCTV footages sa lugar ng pagsabog.