“Kahit mawala ako dito sa internet, gusto kong malaman mo na basta lumalaban ka sa buhay at may paninindigan ka para sa katotohanan… kasama mo ako!”
Ito ang mensahe ng social media influencer na si Rendon Labador nitong Sabado, Setyembre 9, ilang oras makaraang i-update ang kanyang Instagram followers na “locked” na ang account niya sa Twitter habang restricted na rin ang kanyang Instagram account dahil sa iba’t ibang paglabag.
Nauna rito, na-ban si Rendon sa TikTok, inalisan ng Facebook page kasunod ng mass reporting, at wala na ring Google account, kaya hindi na niya nagagamit ang kanyang email.
“Hindi ko sigurado kung makakapag-video pa ako sa YouTube dahil sa sitwasyon. Hindi ko alam ang propagandang ito para mapigilan nila ako,” sinabi niya sa isa pang Instagram Story nitong Setyembre 8.
Ayon kay Rendon, mahigit 30 milyong netizens ang nag-mass report sa kanyang account.
“Saang galing ‘yang 30+million na nagre-report?? Bakit ngayon lang kayo naglalabasan? Hindi na tama ‘yan. Hindi na reasonable ang mga dahilan ng mga pagre-report ninyo. Pati email banned na ako,” dagdag niya.
Sinabi ni Rendon na kawawa raw ang Pilipinas kung tatahimik ang isang matinding kritiko ng mga itinuturing niyang mali kung mawawalan ng online platform ang isang tulad niya.
Kasabay nito, tiniyak ni Rendon sa kanyang mga tagasuporta na kung mabibigyan siya ng panibagong platform ay ipagpapatuloy niya ang kanyang nasimulang adbokasiya.
“Ang mensahe ko sa mga naniniwala at gustong suportahan ang advocacy ko para sa katotohanan at maitama ang mga mali sa Pilipinas, kung bigyan ninyo ako ng platform para magsalita ay gagawin ko,” ani Labador sa isa pang Instagram Story.
‘Nagsawa na akong umiyak’
Bagamat maraming tagasuporta, marami ring haters ang itinuturing na “bad boy” ng social media, bunsod na rin ng paninindigan ni Rendon na walang inuurungan at walang sinisino sa pamumuna sa mga bagay na itinuturing niyang mali.
Subalit sa kabila ng inaamin niyang “pinakamayabang” at “pinakabrusko” na imahe niya sa social media, walang alinlangan ang social media personality na aminin ang kanyang mga kahinaan bilang tao, na ginamit daw niyang motivation laban sa mga hamon sa buhay.
Sa eksklusibong panayam ng Pilipinas Today na ginawa pagkatapos ng unang outreach activity ng media organization sa Mandaluyong City nitong Agosto 12, ibinunyag ni Rendon na hindi naman talaga siya matapang at malakas, gaya ng pagkakakilala ng netizens sa kanya.
Sa katunayan, ang kanyang matatag na disposisyon ay bunga raw ng mapapait niyang karanasan sa buhay na pinilit at matagumpay niyang nalampasan.
Idinetalye ito ni Rendon sa dire-diretsong sagot niya sa tanong na: Umiiyak din ba ang isang Rendon Labador?
“Dati. Nagsawa na akong umiyak. Nagsawa na akong madapa. Nagsawa na akong lumubog. Nagsawa na ako, eh,” pagtatapat ni Rendon sa exclusive interview ng Pilipinas Today na napanood ngayong Linggo, Setyembre 10.
“Kasi akala ninyo, sobrang lakas ko? Hindi naman talaga ako malakas, eh. Hindi naman talaga ako matapang eh.
“Pero pinipilit kong tapangan, pero pinipilit kong bumangon, pero pinipilit kong lumaban. Kaya nga nagkakaroon ng halaga ang buhay natin eh, kasi lumalaban ka araw-araw,” ani Rendon, na unang nakilala bilang isang health and fitness enthusiast at motivational speaker.
”Yung judgment ng magulang ko na wala akong kuwentang tao’
Ibinahagi rin ni Rendon ang “pinakamasakit” na bahagi ng kanyang buhay na pinaghuhugutan daw ng kanyang popular quote na “‘Stay motivated!”
“Pinakamalungkot na nangyari sa akin ay ‘yung judgment ng magulang ko na wala akong kuwentang tao. ‘Yun ‘yung pinakamasakit na puwedeng iparamdam sa atin, na wala kang kuwenta. Sino ka?
“Dun nagmumula ‘yung hugot ko, eh. Gusto kong patunayan na balang araw, babaguhin ko ‘yung tingin n’yo sa ‘kin.”
Anak ng isang retiradong heneral ng Philippine National Police (PNP), nilinaw naman ni Rendon na hindi siya nagtanim ng galit sa kanyang mga magulang.
“Hindi ako nagagalit sa kanila, pero ginawa ko ‘yung challenge. ‘Yung ‘yung gusto kong ipasa sa mga Pilipino: Nandiyan ‘yung mga judgment na ‘yun, kasi ‘yan ‘yung magiging fuel natin.
“Hindi mo nararamdaman, hindi mo nararanasan, hindi mo pinagdadaanan ‘yang mga problema na ‘yan dahil wala lang. Pinagdaraanan mo ‘yan dahil may reason ‘yan: gusto kang iangat ng buhay. Gusto kang i-push ng tao sa paligid mo into your next level,” paliwanag ni Rendon.
Adbokasiya sa social media
Ayon kay Rendon, naging panata na raw niya ang manindigan para sa mga taong maituturing na walang tinig sa lipunan at labanan ang para sa kanya ay mga paglabag sa moralidad at values ng mga Pilipino.
Matatandaang unang umingay ang pangalan ni Rendon sa social media nang punahin niya ang halos araw-araw daw na taping ng teleseryeng ‘FPJ’s Batang Quiapo’ ng actor-director na si Coco Martin, iginiit na nagrereklamo raw ang mga vendors na naaapektuhan na umano ang kita dahil sa taping ng serye.
Gamit ang kanyang social media pages, lalo na sa Facebook, binatikos din ni Rendon na hindi umano nakakarating sa mga riders ng isang food delivery app ang mga tip na nakokolekta mula sa customers; ang hindi pa rin pagtanggap ng mga healthcare workers ng kanilang COVID-19 allowance sa kabila ng buwis-buhay na serbisyo ng mga ito noong pandemya; ang pagkakatuklas ng mga nakabalot pang national ID sa tambakan ng basura, at iba pa.
Gayunman, mas nag-trending si Rendon sa kanyang prangkang pambabatikos sa mga kilalang celebrities, gaya nina Coco Martin, Michael V, Donnalyn Bartolome, Ogie Diaz, Cristy Fermin, Paolo Contis, Lea Salonga, Andrea Brillantes, dating Senate President Tito Sotto, Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) Chief Lala Sotto, Vice Ganda, Ion Perez, at marami pang iba.
Katwiran ni Rendon, napakahalaga na may nagtutuwid ng mga mali sa lipunan, lalo na dahil maaari raw itong makaimpluwensiya sa kabataan, isa sa mga sektor na malapit sa kanyang puso.
‘Hanggang naniniwala ka sa sarili mo, makakabangon ka’
Ang eksklusibong panayam ng Pilipinas Today kay Rendon ay ginawa noong nakaraang buwan, ilang linggo bago nagtulung-tulong ang kanyang online haters na magsagawa ng mass report laban sa kanyang social media accounts, na nagresulta sa nakaambang paglalaho ng lahat ng kanyang online platforms.
Pero sa huling bahagi ng interview, nang hingan ng mensahe para sa kanyang mga tagasuporta at kritiko, ang binitiwang payo ni Rendon ay para sa mga taong nasa sitwasyong tulad daw ng sa kanya na, “halos minsan wala nang taong naniniwala sa akin, halos iwan na ako ng tao sa paligid ko”—na nagkataong aktuwal na nangyayari sa kanya sa kasalukuyan.
“Bilang isang taong inaakusahan na pinakabrusko, pinakamayabang sa social media ngayon, alam ko na mayroong nakikinig sa atin, na baka nandyan kayo ngayon, sa sitwasyon n’yo ngayon, na parang galit lahat ng tao sa inyo, hinihila kayo pababa, palagi kayong sinasabihan ng hindi n’yo naman ugali, o hindi n’yo naman personalidad, gusto kong lumaban kayo sa buhay.
“Hindi dapat kayo masaktan ng mga bagay na hindi n’yo pinapaniwalaan. Masasaktan ka lang, maaapektuhan ka lang ng mga bagay na ‘yan, oras na totoo ‘yan, or oras na paniwalaan mo ‘yan,” payo ni Rendon.
Para kay Rendon, hanggang buo ang kumpiyansa ng isang tao sa kanyang sarili, anuman ang hamon o panghuhusgang harapin nito sa buhay, ay paulit-ulit itong makakabangon, mananatiling matatag, at patuloy na magtatagumpay.
“Tandaan ninyo, other people’s judgment are their reflection. Masasaktan lang naman tayo kapag may bagay na masasama, feedback, kapag naniwala kayo dun, binibigyan n’yo ng kapangyarihan ‘yun para sirain ka, pasukin ka.
“So, kung nandyan kayo sa sitwasyon na ‘yun, parang katulad ko, halos minsan wala nang taong naniniwala sa akin, halos iwan na ako ng tao sa paligid ko, pero hanggang andyan ka sa sarili mo, hanggang naniniwala ka sa sarili mo, makakabangon ka.”
(May dagdag na ulat ni Love Joy Bulawan)