Pito sa bawat 10 Pilipino ang nagpaplanong maglakbay sa ibang bansa nang hindi bababa sa isang beses sa susunod na 12 buwan, ayon sa isang survey.
Lumitaw din sa survey ng Grab Ads aabot 82 porsyento ng mga Pinoy ang nagsabing target nila ang higit sa dalawang biyahe sa ibang bansa kung mabibigyan ng pagkakataon.
Sinabi ng Grab Ads head of marketing na si Jennie Johnson na batay sa sagot ng 2,000 survey respondents, ang Thailand ang nangungunang destinasyon ng mga Pinoy travellers.
Ito ay sinundan ng Singapore. Malaysia at Vietnam ay nagtabla sa ika-3 sa ulat ng SEA Travel Insights 2023.
Ang Japan ay pinili din ng mga Pinoy travellers bilang favorite destination sa labas ng Southeast Asia.
Lumitaw din sa survey na ang mga Pilipino ay nangunguna sa hanay ng mga travellers sa rehiyon na maituturing na “budget-conscious.” Bukod dito, ang mga Pinoy din ang kinokonsiderang pinakamagaling sa pagpaplano dahil kadalasan may advance travel plan isa hanggang tatlong buwan bago ang kanilang pagbiyahe.
“Filipinos love international travel, people are excited for international travel. The pandemic is in the rearview mirror and travel is here to stay and the intent is only growing,” sabi ni Johnson sa isang panayam sa TeleRadyo Serbisyo.