(Photo courtesy of Philippine Information Agency Region 5)
Nakataas na sa red alert status ang Bicol Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) bilang paghahanda sa posibleng pananalasa ng bagyong ‘Egay’ sa rehiyon.
Sinabi ni Office of the Civil Defense (OCD)-Bicol spokesperson Gremil Naz na inilagay ni OCD-Bicol Chief Claudio Yucot sa red alert status ang lahat ng disaster response agencies sa rehiyon simula nitong Biyernes, Hulyo 21.
Kabilang sa mga nakaalerto ay ang regional offices ng OCD, Department of Health (DOH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Interior and Local Government (DILG), Joint Task Force Bicolandia, Police Regional Office (PRO)-5, at maging ang Department of Information and Communications Technology (DICT)-Southern Luzon Cluster.
Ayon kay Naz, magsasagawa rin ng localized assessment sa Albay dahil lalo pang pinahirap ang sitwasyon sa lugar dahil sa pag-aalburoto ng Bulkang Mayon kung saan may banta rin ng panganib dahil sa posibleng pagragasa ng lahar.
Samantala, sa Sto Domingo, Albay, aabot sa 300 pamilya ang ililikas sa Barangay San Isidro dahil sa banta ng lahar.
Sinabi ni Engr. Edgar Balidoy, municipal planning and development coordinator at head ng Mayon Volcano eruption operations center, na ang mga evacuees ay nakatira sa Basud gully subalit nasa labas ng danger zone ng bulkan.
Sinabi ni Balidoy na dadalhin ang mga lumikas sa mga itinalagang evacuation centers.
Sa kabilang banda, dadalhin naman sa mga gusali ng eskuwelahan ang mga nagsilikas na nagtayo naman ng pansamantalang tahanan.
—Baronesa Reyes