Limang bagay ang pinagtuunan ng pansin ng bagong talagang hepe ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na si Lt. Gen. Romeo Brawner: ang “UNITY” sa kanyang pamumuno.
UNITY ang acronym ng kanyang magiging programa sa pagpapalakad ng buong sandatahang lakas:
Una rito ang ‘Unification,’ kung saan nais niyang matiyak na mayroong solid at propesyunal na AFP na susunod sa chain of command.
Ikalawa ang ‘Normalization’ na naglalayong magbigay ng special attention sa normalization process ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) partikular na sa disarmament, demobilization at reintegration ng mga dating rebelde.
Ikatlo ang ‘Internal Security Operation’ na tututok sa pagsugpo sa mga natitirang local terrorist groups sa bansa.
Ikaapat ang ‘Territorial Defense’ bilang tugon sa pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na walang isa man sa teritoryo ng bansa ang isusuko.
Plano rin ni Brawner na i-modernize hindi lamang ang mga pasilidad ng AFP kundi maging bawat miyembro ng organisasyon.
Ang huli ay ang pagbibigay ng tamang atensyon sa ‘Youth’ o kabataan sa bansa.
“The AFP will do its share in developing our youth, the future leaders and citizens of our nation to be responsible and patriotic defenders of our national identity as a people and of our territorial integrity,” pahayag ni Brawner.
Pormal nang itinalaga si Brawner bilang Chief of Staff ng AFP nitong Biyenes, Hulyo 21, sa isang simpleng seremonya sa Camp Aguinaldo na dinaluhan ni Pangulong Marcos.
Pinalitan ni Brawner si General Andres Centino na nagretiro at itinalaga naman bilang Presidential Adviser on the West Philippine Sea.
—Baronesa Reyes