Magpapahinga muna si Coach Chot Reyes sa basketball matapos ang kanyang coaching job para sa Gilas Pilipinas sa 2023 FIBA World Cup.
Sinabi ni Reyes nitong Miyerkules, Setyembre 6, na pansamantalang iiwas muna siya sa TNT at iiwan ang paggabay ng koponan kay interim coach Jojo Lastimosa para makapagpahinga siya nang mabuti.
“I needed a rest. Si Jolas muna sa first conference. Then if I feel rested na, maybe I’ll think of returning sa PBA,” sinabi ni Reyes.
“Pero kung maganda naman nilalaro nila under kay Jolas, ba’t pa naman natin guguluhin. I have two more years under my contract with TNT.”
Sa pamumuno ni Lastimosa, nagawang patalsikin ng Tropang Giga ang karibal na Barangay Ginebra at maghari sa 2023 PBA Governors’ Cup sa likod ng import na sina Rondae Hollis-Jefferson at Mikey Williams.
Gayunpaman, hindi ibinunyag ni Reyes ang timeline ng kanyang pagbabalik sa TNT.
Inahayag din ni Reyes na magbabakasyon siya sa Europe kasama ang kanyang pamilya.