Pinagtibay ng Korte Suprema ang naunang desisyon ng Court of Appeals na pagmultahin ang mag-asawang nanlait sa nobya ng kanilang anak na lalaki ilang taon na ang nakakaraan.
Batay sa 21-pahinang desisyon ng Kataas-taasang Hukuman na isinulat ni Senior Associate Justice Marvic Leonen, ibinasura nito ang petisyon ng isang mag-asawa na kumwestiyon sa desisyon at resolution ng Court of Appeals (CA).
Nakasaad sa dokumento na walang nakitang dahilan ng Supreme Court upang baligtarin ang naunang desisyon ng ng Appellate Court na nag-aatas sa mag-asawa na bayaran ng danyos ang biktima dahil sa ginawang paninirang-puri ng mga ito sa nobya ng kanilang anak.
Bukod sa ₱80,000 na danyos, inatasan din SC ang petitioners na bayaran ang attorney’s fees at mga ginastos sa litigasyon ng biktima.
Ipinag-utos din ng Korte Suprema sa mag-asawa na bayaran ang mga nagastos ng biktima na anim na porsyento ng interes kada taon habang nililitis ang kaso hanggang sa maisapinal ang desisyon.
-Mores Heramis